BASTA DRIVER.. SWEET LOVER (Driver Ka Ninang?)
ISA akong driver. Driver nga Lang ng kotse; at ako ang may-ari ng kotse. 24 years na rin akong nag mamaneho at di naman sa pagyayabang, MeDyo magaling na driver naman ako– ilang gasgas at bunggo lang na pwede mo namang bilangin sa mga daliri ( at di kasama ang daliri sa paa!). Pero lately, wala ha!
Maraming natututunan sa pagmamaneho. At lalong marami galing sa mga jeepney drivers (Ano ang dapat HINDI ginagawa!). Dahil sa kakaibang asta ng jeepneys sa kalsada ng Maynila, malalim ang mga natutunan ko sa kalye. At nakakatuwa (pwede ring nakakainis,) ang pagkakahawig ng prinsipyo sa DRIVING at prinsipyo sa BUHAY. Isang pahina na Lang Muna; libreto talaga ang gusto kong gawin.
1. Tumabi Ka naman pag nagsasakay.
Bakit Ka nga ba nagsasakay sa gitna ng daan? Kung nagmamadali Ka man o gustong makarami ng pasahero, makabubuti pa rin na sumunod Ka sa batas. Huminto sa tamang hintuan at magsakay sa tamang lugar. Hindi ka dapat mangabala sa ibang sasakyan at Hindi mo dapat isinasaalangalang ang kaligtasan ng iyong pasahero.
Parang sa life Lang yan, gusto mo mang umunlad o makarating sa paroroonan ng mabilis, hindi dapat nakakaharang sa pag-unlad ng iba. At hindi dapat isinusugal ang kapakanan ng mga pinaglilingkuran mo– pasahero, customer, mamamayan (Uyyy tunog pang pulitika!).
Sa dulo, mahuhuli ka rin ng isang mabuting pulis at lalong wala kang kikitain. O ang mas matindi, mahuhuli ka ng pulis na di rin sumusunod sa batas at madidisgrasya pa ang konti mong kinita sa lagay na hihingin sa iyo.
Sa buhay, sa dulo, kung ang pinagkakitaan mo ay pumerwisyo sa maraming tao, mahuhuli ka rin o makakatikim ng parehong perwisyo! Magsakay sa tamang sakayan lamang!
2. Huwag ka namang mag-Cut.
Para kang kiti-kiti kung makagalaw sa daan. Bigla sa kanan, bigla sa kaliwa. Susulpot, mawawala. Tapos titigil ka naman agad (sa tabi, sa gitna, at Kung saan-saan) para magbaba o magsakay ng pasahero. Bakit kelangan pa mag-cut (ano ba Filipino ng “cut”).
Sa buhay, marami tayong sinasayang na enerhiya. Alam na natin ang tamang daan pero hindi tayo makuntento. Kelangan lang maghintay sa tamang panahon at pagkakataon, pero gusto natin agad-agad (cut ng cut!)– instant. Mas pwede tayo mapahamak o mapariwara. Hintay Lang sa tamang pagkakataon– makakaroon ng tamang opportunities na di kelangang makaagrabyado sa iba. Huwag pabigla-bigla sa desisyon. Mukhang pwede– dito ako (change course, change partner, change job..). Mukhang mas gumagalaw Ang sasakyan sa traffic- lipat ako (parehong problema din sa dulo!) Di ba mas magastos sa gasolina pag umaarangkada? Di ba mas may posibilidad na mabunggo at makabunggo tayo? Isip muna.. Wag padalos-dalos. Mas maraming nagkakamali sa pagmamadali.. Mas Maraming pwedeng masaktan sa papalit-palit (nobyo, nobya; lalo na ng asawa.. Bawal yun!)
Kung chill Lang sa daan, chill Lang sa buhay, makakarating tayong lahat ng ligtas at maayos, patungo sa kaunlaran– na hindi gaanong pagod, walang kaaway (!!), mapayapa, at sa tamang oras pa rin! Huwag ka na mag-Cut.
3. Umusad ka na pag “Green”.
Green light na, pasakay ka pa rin ng pasakay sa tabi ng daan, at sa unahan pa ng kalye (helloo po sa mga intersection at busy streets ng Maynila). ‘Wag naman. Ito ay abala sa iba. Gusto mong makarami ng pasahero at makatipid sa gasolina, pero wala ka na naman sa lugar. Kung lahat ng driver ay aarangkada sa tamang panahon, sa tingin ko makukuha nyo rin ang tamang dami ng pasahero at sapat na kita. Ang mga pasahero ang magmamadali na makaabot sa inyo. Pero Kung alam nilang lalabag ka sa batas para hintayin sila, mamimihasa ang pasahero. Pareho nyong kelangan ang isa’t isa. Huwag ikaw ang lumabag sa batas (pero ‘wag din ikaw pasahero!)
Sa buhay, mahirap ang gahaman. Kumuha ka Lang ng tama at walang nilalabag na batas (ng Diyos at ng tao!). Makakakuha ka pa rin ng sapat. At may bonus pa; kung di man kayamanan, respeto at karangalan.
Sa buhay, move on na. Tama na ang sobrang pagmumuni sa problema o pagkalagak sa kawalan o kalungkutan. “Green” na. Move forward. Magtrabaho. Magpatawad. Makihalubilo. Walang nang maidadagdag sa kabutihan mo ang patuloy na paghihintay sa wala. Move on and forward. Ikaw ang hahabulin ng biyaya (kasama na ng taong magmamahal sa ‘yo ng lubusan– na wala kang nilalabag na batas ng Diyos man o Tao. 🙂
—
Hanggang dito na Lang muna. 😋 Sa kalahatan, ang gusto ko Lang iparating talaga ay Ito: Kung driver ka, dapat marunong kang MAGMAHAL at UMIBIG. In other words, “BASTA DRIVER.. Sweet LOVER”.. of co-drivers, passengers, pedestrians, self and country.
(Sa susunod… Mr. Jeepney driver, ipagawa mo naman Ang ‘yong tambutso!)
— Ninang thoughts while waiting for a delayed flight (boarding!)
“This is love for God: to obey his commands. And his commands are not burdensome, for everyone born of God overcomes the world. This is the victory that has overcome the world, even our faith. Who is it that overcomes the world? Only he who believes that Jesus is the Son of God.” (1 John 5:3-5)